LAOAG CITY – Temporaryong ipinagbawal ng lokal na gobyerno ng Ilocos Norte ang pagbisita o pagdaong ng anumang klase ng cruise ship.
Sang-ayon ito sa Executive Order No. 52-20 series of 2020 na inilabas at pinirmahan ni Gov. Matthew Marcos Manotoc para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease.
Nakasaad sa executive order na dapat sasailalim sa 14-day quarantine ang mga cruise ship na nanggaling sa mga bansa na may kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Dahil dito, dapat aniyang ipatupad ang preventive measures sa mga residente na babalik at bibiyahe at mga nanggaling sa mga bansang may kaso ng naturang virus.
Kung maalala ay may mga cruise ship na dumadaong upang mamasyal ang mga sakay na turista sa mga tourist destinations sa lalawigan.
Sa pinakahuling tala ay umabot na sa mahigit 2,100 ang mga namatay at mahigit 75,000 na katao ang apektado ng COVID-19.