-- Advertisements --

LA UNION – Epektibo nitong February 16 ang pansamantalang pagsasara sa lahat ng tourist destinations sa bayan ng Bagulin, La Union dahil sa pagdami ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa nasabing lugar.

Base sa inilabas na paalala ng pamahalaang lokal ng Bagulin, ipinautos ni Mayor Virgilio Flor na huwag munang magpapasasok ng mga turista sa mga pook-pasyalan.

Layunin umano nito na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at mabigyan din ng pagkakataon ang mga health workers at contact tracers na lutasin ang biglaang pagdami ng mga residenteng tinamaan ng naturang sakit.

Naka-lockdown ngayon ang Purok 3 at 4 ng Barangay Suyo.

Hinihikayat naman ng pamahalaang lokal ang mga residente na sundin ang basic health protocols upang maiwasang mahawaan ng COVID-19.

Sa ngayon, nasa 14 ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa naturang bayan.

Kabilang sa mga tourist destinations ng Bagulin ang dinadayo ng mga turista ay ang Kudal People’s Park na mala-Baguio City ang temperatura; Kudlap Cave; at iba’t ibang nagagandahang water falls.