LEGAZPI CITY- Nakikipag-ugnayan na ang pamunuan ng Matnog port sa mga lokal na pamahalaan ng Sorsogon para sa paglalaan ng temporary shelters sa mga posibleng ma-stranded na pasahero dahil sa Bagyong Mawar.
Ayon kay Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, normal pa ang biyahe ng mga barko sa kasalukuyan.
Subalit kung magtataas ng typhoon wind signal sa lalawigan o sa Samar ay otomatikong kakanselahin ang biyahe ng mga sasakyang pandagat.
Hindi naman aniya maaaring manatili sa pantalan ang mga stranded na pasahero dahil sa banta ng daluyong.
Dagdag pa ni Galindes na pinag-aaralan rin kung tuluyang lalapit sa Southern Luzon ang naturang sama ng panahon bago magpalabas ng land travel advisory.
Hinikayat rin ng opisyal ang mga biyahero na kung hindi naman importante ang lakad ay iwasan na munang magtungo sa naturang pantalan upang hindi maantala ang biyahe ng mga ito.