Kinumpirma ni Senator Bong Go na ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatupad na ang temporary travel ban sa lahat ng mga banyaga mula China patungong Pilipinas.
Sinabi ni Sen. Go, inirekumenda na ng mga Health officials sa Pangulo ang implementation ng temporary travel ban mula China, matapos ideklara na World Health Organization (WHO) na ang 2019-nCov coronavirus na isang global health emergencies.
Depensa naman ng senador kung bakit ngayon lamang nagpatupad ng travel ban ang Pilipinas kasunod ng outbreak ng coronavirus, ito ay dahil binabalanse ng Pangulong Duterte ang lahat at hinihintay ang rekumendasyon ng DOH.
Aniya, concern ang Pangulo sa kaligtasan at kalusugan ng bawat Pilipino kaya nakatutok din ito sa sitwasyon.
Bukod sa China, kasama na rin sa travel ban ang Macau at Hongkong.
Paglilinaw ni Go, lahat ng banyaga hindi lamang mga Chinese ang bawal munang pumasok sa bansa.
Ang mga Pilipino naman na mula China at kung papayagan na silang umuwi sa bansa kailangan muna nilang sumailalim sa 14-day quarantine.
Ipinagmalaki din Go na nakahiram ang Pilipinas ng kagamitan mula Japan na siyang ginagamit ngayon ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para makumpirma kung ang isang suspected patient ay positibo sa coronavirus.