Posible umanong payagan na rin ng pamahalaan ang pagsasagawa ng mga non-contact sports, gaya ng tennis, table tennis, at golf, sa oras na luwagan na ang mga restriksyon sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon kay Trade Sec. Ramon Lopez, posibleng pahintulutan na rin daw nilang magbukas muli ang mga fitness facilities, bilang pagpapahalaga sa importansya ng pisikal na aktibidad.
Sa ilalim kasi ng kasalukuyang panuntunan mula sa Inter-Agency Task Force (IATF), hindi kabilang ang naturang mga aktibidad.
Ngunit inihayag ni Lopez na napag-usapan na raw ito sa IATF, bilang tugon na rin sa pangangailangan para sa physical activities.
Sinabi pa ng kalihim, papayagan na ring magbukas ang mga fitness establishments tulad ng gym na magbukas basta’t magpapatupad ang mga ito ng safety measures, gaya ng pagsusuot ng face mask at gloves.
Sa kabila nito, hindi pa rin papayagan ang mga contact sports gaya ng basketball, volleyball at combat sports para maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19.