Inanunsiyo ni Swiss tennis star Roger Federer na ito ay magreretiro na sa paglalaro ng tennis.
Sa kaniyang social media sinabi nito na nakapaglaro siya ng mahigit 1,500 matches sa loob ng mahigit 24 na taon.
Naging maganda ang pagtrato ng sports na tennis sa kaniya higit pa sa pangarap ito kaya napapanahon na aniya na tapusin na ang k naiyang competitive career.
Noong nakaraang mga taon kasi ay hindi na nakapaglaro ng diretso ang 20-time grand slam winner dahil sa mga injuries.
Sumailalim na ito ng dalawang operasyon sa tuhod noong 2020 matapos na talunin siya ni Hubert Hurkacz sa 2021 Wimbledon quarterfinal.
Dagdag pa nito matapos ang mga pinagdaanang operasyon ay pinilit niyang makabalik sa paglalaro subalit naintindihan niya ang kapasidad at limitasyon ng kaniyang katawan.
Pinasalamatan nito ang mga nakasama niya sa mga paglalaro at maging ang mga nakaharap niya torneo.
Ilan sa mga tagumpay na kaniyang nakamit ay anim na Australian Open, isang French Open, limang US Open at walong Wimbledon.
Tinawag nito ang desisyon na bittersweet dahil kaniyang ma-mimiss ang mga torneo subalit nagpapasalamat ito dahil sa nabigyan siya ng kakaibang talento na makapaglaro ng tennis.