KORONADAL CITY – Tensiyunado sa ngayon ang munisipyo ng bayan ng Columbio, Sultan Kudarat dahil sa dalawang nakaupong alkalde matapos ang inilabas na suspension order laban kay Mayor Edwin Bermudez.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mayor Bermudez, maging ang operasyon ng munisipyo ay apektado na rin dahil sa mga ipina-freeze na accounts ng LGU-Colombio.
Ayon kay Bermudez, sinampahan siya ng reklamong graft and corruption, malversation of public funds at abuse of authority ng Secretary to the Sanggunibang Bayan na si Albert Astero ngunit wala naman umano itong naisuportang matibay na ebedensiya na makapagpapatunay sa kaniyang alegasyon.
Ngunit sa kabila umano ng kawalan ng matibay na ebedensiya at due process ay inilabas ng sangguniang panlalawigan ng Sultan Kudarat ang isang resolusyon na nagsususpinde sa alkalde sa loob ng 60 araw na sinuportahan naman umano ni Sultan Kudarat Governor Suharto “Teng” Mangudadatu.
Sa kabila nito, nanindigan si Bermudez na siya pa rin ang alkalde ng Colombio kahit na inilagay na umano ng gobernador ng probinsiya si Vice Mayor Amirh Musali bilang acting mayor.
Kaugnay nito, humingi ng tulong sa DILG-12 si Bermudez at umapela sa Office of the President na pumagitna sa nangyayaring tension sa kanilang bayan.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang isinasagawang rally ng mga supporters ni Bermudez sa harap ng munisipyo at pinaninindigan ng mga ito na siya pa rin ang lehitimong alkalde ng bayan.
Napag-alaman na kinausap umano ng gobernador ng Sultan Kudarat si Bermudez na huwag nang tumakbo sa susunod na eleksiyon ngunit naghain pa rin ito ng kandidatura at lumipat ng partido.