Humupa na umano ang tensiyon sa bayan ng Jaen sa Nueva Ecija.
Ito ay matapos pumagitna ang PNP sa away pulitika ng dalawang magkatunggaling politician.
Ayon kay PNP PRO-3 regional police director B/Gen. Valeriano De Leon, may mga pulis na naka-deploy na sa dalawang partido.
Nakipag-dayalogo na rin si De Leon kina dating Jaen Mayor Sylvia Austria at incumbent Mayor Antonio Prospero Esquivel.
Siniguro rin ni De Leon sa dalawang magkatunggaling politiko ang kanilang seguridad.
Isang company ng Regional Mobile Force Company ang idiniploy ng PNP Region 3 sa Jaen para imantine ang peace and order sa lugar matapos ang insidente nang pagsabog dahil sa away politika.
Sinabi ni De Leon, ang dagdag deployment ng mga pulis doon sa lugar ay para matiyak na hindi magpang-abot ang supporters ng dalawang pulitiko.
Sinabi ni De Leon, may mga pulis na nagpapatrulya sa lugar upang matiyak na walang mangyaring kaguluhan.
Samantala, tiniyak ni PNP chief Gen. Debold Sinas na walang papanigan ang PNP sa away-politika na nagaganap sa bayan ng Jaen at istriktong ipatutupad ang batas at ligal na kautusan.
May kinalaman ito sa pag-aagawan sa pwesto ng dalawang politiko sa pagka-alkalde, na si dating Jaen mayor Sylvia Austria at incumbent Mayor Antonio Prospero Esquivel.
Ayon kay Gen. Sinas may mga indikasyon na may kaugnayan sa away-politika ang pangalawang pagpapasabog ng improvised explosive device nitong Martes ng gabi sa naturang bayan.
Base aniya sa narekober na ebidensya, ang ginamit na IED ay kapareho rin ng IED sa unang pagpapasabog na naganap noong Disyembre 20, 2020, kaya posibleng isang suspek Lang ang responsable sa dalawang insidente.
Kaugnay nito, inatasan ni Gen. Sinas si De Leon na makipag-ugnayan sa DILG upang masolusyunan ang tensiyong pulitikal sa Jaen.
Pinasisiguro ni Sinas kay De Leon na tiyakin na hindi magpang-abot ang mga supporter ng dalawang magkatunggaling politiko upang maiwasan ang “pag-escalate” ng kaguluhan.