Todo alerto ngayon ang South Korea matapos na dumating bago magtanghali si US President Donald Trump.
Ito ang pangalawang bansa na binisita ng lider ng Amerika matapos manggaling sa bansang Japan.
May pangamba naman ang ilang observers sa presensiya ni Trump sa Korea na baka raw magbigay lalo ito ng maling pananaw sa lider ng NoKor na bahagi ito ng probokasyon.
Inaabangan tuloy ngayon kung ano ang magiging reaksiyon ng kumunistang bansa.
Sinasabing pangunahing isyu na tatalakayin ni Trump sa kanyang counterpart na si President Moon Jae-in ay ang development ng North Korea ng nuclear weapons at long-range missiles.
Nakatakda ring bisitahin ni Trump ang US military base sa South Korea at ang pagbibigay ng talumpati sa National Assembly sa Seoul.
Tiyak namang ilang protesta rin ang sasalubong kay Trump.
Samantala, matapos ang South Korean trip, tutunguhin din ni Trump ang China, Vietnam para dumalo sa APEC Summit at panghuli ang Pilipinas kaugnay naman sa ASEAN Summit.