BACOLOD CITY – Nabawi na nang pinatalsik na presidente ng Yanson Group of Bus Companies ang pagbibigay ng seguridad sa Ceres terminal sa lungsod ng Bacolod, 12 oras matapos na mamagitan na ang mga pulis sa tensyon.
Nabatid na kahapon ng hapon, umalis sa Bacolod South Terminal ang AGNSA Security Agency na idineploy ni Leo Rey Yanson at umalis din ang AY-76 Security Agency na kinuha ng appointed president na si Roy Yanson.
Ito ay matapos mag-usap sina Roy at pinuno ng PNP Supervisory Office for Security & Investigation Agencies (PNP-SOSIA).
Pupunta sana kahapon sa terminal ang PNP-SOSIA upang ipatupad ang utos ng national headquarters na ilagay ang AGNSA, para ipalit sa AY-76 ngunit napagkasunduan na mga pulis muna mula sa Bacolod City Police Office at Negros Occidental Police Provincial Office ang magbabantay upang maiwasan ang karagdagang tensyon.
Ito ang naging dahilan kaya’t umalis din sa lugar ang dalawang security agency.
Ngunit dakong alas-3:00 kaninang madaling-araw, pumasok sa terminal ang mga gwardiya ng AGNSA Security Agency sakay ng mga van.
Sa ngayon, sila na ang nakapwesto sa South Terminal bagama’t nananatili ang mga pulis na nakabantay.
Wala pang pahayag ang PNP-SOSIA ukol dito.