KALIBO, Aklan—Nilinaw ngayon ng Malay Tourism Office na sa kabila ng tensyon sa gitna ng Pilipinas at China ay walang restrictions o adjustments na ipinatupad sa mga Chinese tourists na isa sa may pinakamaraming ambag sa tourist arrival sa isla ng Boracay sa buwan ng Hunyo.
Ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay Tourism Office na walang epekto sa industriya ng turismo sa Boracay ang kasalukuyang tension sa gitna ng dalawang bansa.
Sa katunayan aniya ay nakatala ng kabuuang 205,246 tourist arrivals sa Isla ng Boracay sa buwan ng Hunyo kung saan, sa nasabing bilang ay nasa 23,566 ang foreign tourist; 179,446 ang domestic at 2,234 naman ang mga overseas Filipinos.
Ang nasabing buwan aniya ang may pinakamataas na tourist arrival dahil sa post celebration ng ilang okasyon gaya ng graduation at ang naging kapyestahan ni St. John the Baptist.
Dagdag pa ni Licerio na ang nasabing bilang ng tourist arrival ay mas mataas ng 4% kung ihahambing sa kaparehong period noong 2023 dahil umaabot sa 8,000 ang bilang ng mga turista na tumatawid sa isla bawat araw.
Nangunguna parin ang bansang South Korea, China, United States of America, Taiwan, Australia, United Kingdom, Russia, Germany at Japan sa may maraming dayuhang turista na bumisita sa tanyag na isla.
Una rito, kinilala ang Boracay bilang ika-apat na “best island” base sa talaan ng Travel + Leisure Luxury Awards Asia Pacific 2024.
Nanguna ang Koh Samui sa Thailand at sumunod ang Bali sa Indonesia.