-- Advertisements --

Muli na namang lumutang ang tensyon sa pagitan ng dalawang paksyon ng PDP-Laban matapos na inendorso ng Cusi wing si dating senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa presidential race.

Ayon sa anak ng founder ng naturang partido na si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel, sinisira lamang ng Cusi faction ang PDP-Laban.

Salungat aniya sa totoong paninindigan ng partido ang naging desisyon nina Energy Sec. Alfonso Cusi na iendorso si Marcos Jr.

Pangit lang aniya na ginagawa nila Cusi ito pero malamang sa malamang na pagkatapos ng halalan ay tatawid din ito sa ibang political party ng mananalong kandidato sa pagkapangulo.

Pero para kay Acting Cabinet Secretary Melvin Matibag, Secretary General ng PDP-Laban Cusi wing, pinili lamang nila ang “best” candidate para sa partido.

Ito ay desisyon aniya ng majority sa mga miyembro.

Sinabi ni Matibag na nasabihan nila si Pangulong Rodrigo DUterte hinggil dito pero hindi naman ito kasama sa inilabas na resolution ng partido na nagpapakita ng suporta para sa anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.