Mas uminit pa ang tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine matapos mag-utos si Russian President Vladimir Putin ng isang espesyal na misyon ng militar sa Ukraine.
Dahil dito, tumindi ang kaguluhan at maririnig ang kaliwa’t kanang mga pagsabog sa ilang lungsod sa Ukraine na naging dahilan ng pagkasawi ng maraming buhay.
Alinsunod dito, eksklusibong nakapanayam ng Bombo Radyo Cebu si Maam Mariz Lagunoy Besas, isang OFW at Bombo International News Correspondent sa Kyiv, ang Capital City ng Ukraine, upang kumustahin ang kanilang sitwasyon.
Ibinunyag ni Besas na hindi pa stable ang kanilang sitwasyon dahil binomba na ng Russia ang international airport sa Kyiv City para pigilan ang sinuman na makapasok sa lungsod ng Kyiv dahilan kung bakit nakansela na rin ang kanyang flight.
Sinabi ni Besas na nagdeklara na ng martial law at state of emergency ang bansa at nagmamadali na rin silang umalis sa lugar dahil na rin na-delay ang abiso na sasabay nalang sila sa mga rescuers.
Ibinunyag din nito na lumala ang kanilang sitwasyon lalo na’t nagpositibo ito sa Omicron, isang variant ng Covid-19, ngunit kinumpirma nito na hindi ito nakaranas ng sintomas.
Nanawagan na lamang ito sa iba pang ahensya ng Pinoy na makipagtulungan sa mga employer sa Ukraine upang payagan ang iba pang mga kababayan natin na makaalis dahil may mga OFW na pinipigilang umalis ng bansa at bumalik sa Pilipinas.