-- Advertisements --

Kinuwestiyon ngayon sa Korte Suprema ng isang grupo ng mga abogado at mga rehistradong botante umano’y hindi pagtalima ng Commission on Elections (Comelec) sa term limit ng mga kongresista at mga senador na itinatakda ng Konstitusyon.

Sa inihain na petition for mandamus ng grupo, hiniling ng mga petitioner na atasan ng Korte Suprema ang Comelec na huwag nang payagan sa susunod na eleksyon na makatakbo ang mga senador, miyembro ng House of Representatives at mga lokal na halal na opisyal na nakakumpleto na ng term limit.

Iginiit ng mga petitioners, sa ilalim ng Section 4 at 7 ng Article 6 ng 1987 Constitution, nakasaad na walang senador na magsisilbi nang mahigit sa dalawang magkasunod na termino at walang miyembro ng Kamara na magsisilbi nang mahigit sa tatlong magkakasunod na termino.

Ang pagpayag daw ng Comelec na sila ay makatakbo ay taliwas sa ninanais ng mayorya sa mamamayan na nagratipika sa kasalukuyang Saligang Batas.

Kasama sa mga petitioner sina Atty. Vladimir Alarique Cabigao, Atty. Mary Wendy Duran, Atty. Manolito Coronado, Atty. Socorro Maricel Namia Nepomuceno at Atty. Cesar Evangelista at mga registered voter na sina Yen Makabenta, Antonio Santos at Jef Nalus Aquino.

Respondent naman sa naturang petisyon ang Comelec.