-- Advertisements --

Wala umanong problema sa Malacañang kung hindi na matutuloy ang naunang napagkasunduang term-sharing sa Kamara sa pagitan nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Kagabi, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya muling panghihimasukan ang usapin ng term-sharing ng House Speakership sa Kamara.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, kung inihayag ni Pangulong Duterte na hindi na ito makikialam, talagang ipauubaya na nito sa mga kongresista.

Kaya kung gustuhin daw ng mga kongresista na ituloy-tuloy na lang ni Speaker Cayetano hanggang 2022, tatanggapin ito ni Pangulong Duterte.

Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag nang dumalo siya kagabi sa joint birthday celebration nina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at kanyang asawa sa Gloria Maris restaurant sa San Juan City.

Magugunitang si Pangulong Duterte ang namagitan sa mga kongresista matapos maging isyu kung sino ang uupong House Speaker pagpasok ng 18th Congress.

Inirekomenda ni Pangulong Duterte na maunang maging Speaker si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano sa unang 15 buwan at susundan siya ni Velasco na may mas mahabang termino na 21 na buwan.

Nasunod ang pagluklok kay Cayetano pero lumilitaw ngayon sa Kamara mula sa mga taga-suporta ni Cayetano na baka dapat magtuloy-tuloy na lang siyang House Speaker dahil sa mataas niyang approval at trust ratings.

Sinabi naman ni Pangulong Duterte na nasa mga kongresista na kung nais nilang sundin o kilalanin ang naunang nakapag-usapan.

Hindi umano pupwersahin ni Pangulong Duterte ang sino man dahil nasa kamay naman ng mga kongresista ang pagpili ng kanilang lider.

“Nasa inyo na ‘yan (It’s up to you) if the parties would honor,” wika ni Duterte.

“I’m not forcing anybody to take a stand. It’s your choice because the agreement and the choice is yours. Cause you can make or unmake the Speaker,” ani Pangulong Duterte.