-- Advertisements --

Ikinatuwa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na terminated na ang peace talks sa pagitan ng gobyerno at Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Ayon kay AFP deputy chief of staff for Civil Military Operations MGen. Antonio Parlade, nararapat lamang ito dahil nagsasayang lamang daw ng pondo ang gobyerno.

Sinabi ni Parlade halos tatlong dekada na ang pakikipag-usap sa komunistang grupo pero hindi ito nagpakita ng sinseridad.

Bagama’t terminated na na ang usapang pangkapayapaan sa national level, patuloy pa ring isinusulong ng militar at gobyerno ang localized peace talks kung saan halos 11,000 na mga miyembro ng NPA ang sumuko sa militar at binigyan na ng livelihood assistance ng pamahalaan bilang pagsisimula ng bagong buhay.

Binigyan na rin ng pagkakataon ang ilang opisyal ng CPP-NPA-NDF na maging parte ng gabinete ng Duterte administration pero tuloy pa rin ang kanilang armadong pakikibaka, dahilan na tuldukan ng Pangulo ang peace negotiations sa national level.