-- Advertisements --

Tauhan ni Shiek Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife ang napatay na terorista sa Tacurong City.

Nakilala ang suspek na si Abdul Rashid Soledad Lamalam, alyas amher, alyas adbullah lamtud alyas spike, nasa wastong gulang, residente ng Barangay Pagagawan, Datu Montawal Maguindanao.

Matatandaan na sakay ng motorsiklo ang suspek nang pinara sa checkpoint ng mga pulis ngunit sa halip na huminto, agad itong tumakas palayo.

Nakatakas sa unang checkpoint si Lamalam ngunit inabangan na ito ng pinagsanib na pwersa ng militar at pulisya Brgy EJC Montilla Tacurong City sa lugar kung saan sya lulusot.

Nang makita ng suspek ang mga otoridad ay agad itong bumunot ng baril at nagpaputok.

Napilitan ang mga pulis na paputukan si Lamalam kaya itoy nasawi nang magtamo ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.

Narekober sa suspek ang isang motorsiklo,isang kalibre. 45 na pistola,ang isang bag na may lamang dalawang rifle grenade, cellphone at mga wires.

Una nang tumanggap ng ulat ang pulisya at militar na maglulunsad nang pambobomba ang mga terorista dahil sa pagkasawi ng mga tauhan at lider ng Dawlah Islamiyah Terrorist Group ng BIFF sa Polomolok South Cotabato.

Sa ngayon ay naghigpit pa ng seguridad ang pulisya at militar sa Sultan Kudarat sa posibling paghihiganti ng grupo ni Lamalam.