-- Advertisements --

Arestado ang isang teroristang nagsisilbing financier ng Islamic State at taga-suporta ng Al-Qaeda .

Sa ulat, nadakip ang naturang suspek na kinilalang si Myrna Mabanza sa bisa ng warrant of arrest sa Brgy. Pasil, Indanan, Sulu sa kasagsagan ng operasyon ng pinagsanib-puwersa na mga tauhan ng PNP-CIDG, Sulu Police, Presidential Anti-Organized Crime Commission, at militar.

Si Mabanza ay nahaharap ngayon sa limang counts na kasong paglabag sa Republic Act 10168 o The Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 at RA 11479 o The Anti-Terrorism Act of 2020.

Batay sa mga impormasyong nakalap ng mga otoridad, sangkot ang naturang suspek sa pag-transfer ng USD107,000 sa noo’y ISIS-Philippines leader Isnilon Hapilon noong Enero 2016.

Siya rin ang itinuturong taga-deliver ng pera ng iba pang mga ISIS member, at kilala rin bilang facilitator na sumusuporta sa ISIS-Philippines at Al-Qaeda.