Ipinamalas ng Philippine Army ang kakayahan ng kanilang hukbo pagdating sa territorial defense sa kasagsagan ng nagpapatuloy na Combined Arms Training Exercises (CATEX) Katihan’s Battle Period 2 sa Col. Ernesto Rabina Air Base sa Capas, Tarlac kahapon, Marso 15, 2024.
Dito ay nagsagawa ng live fire exercise ang 502nd Combined Arms Brigade gamit ang bagong bili na Autonomous Truck Mounted Howitzer System 155mm self-propelled guns.
Bukod dito ay ginamit din ang Armor Division ng hukbo ang 120mm Mounter Mortar system at Armored Personnel Carrier.
Layunin nito na subukan ang kapabilidad ng mga PH Army sa pagkilos, pag-maniobra, at panatilihin ang kanilang large-scale forces sa kasagsagan ng kanilang combat operations.
Ayon kay PH Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, ang mga unit training na ginagawa ng Hukbong Katihan ay nilalayong tugunan ang fast-changing security environment sa mundong ating ginagalawan ngayon.
Aniya, ang iba’t-ibang mga unit training na kanilang isinagawa na kinabibilangan ng iba’t-ibang warfighting functions upang magamit din sa combined arms operations ng kasundaluhan bilang highest form ng unit training nito.
Samantala, kaugnay nito ay sinabi rin ni Col. Dema-ala na ang pasasanay na ito ay alinsunod sa PH Army Implementing Plan “Maragtas” na nakatakda namang magtapos sa darating na Marso 18, 2024 sa pamamagitan ng After Activity Review na gaganapin naman sa Training and Doctrine Command ng headquarters ng Camp O’Donnell, Capas, Tarlac.