Kinumpirma ni PNP Chief police Director General Ronald dela Rosa na mayroon na silang natanggap na “terror threat” sa Central Visayas.
Sinabi ni Dela Rosa na kinausap siya ng regional director ng PRO 7 hinggil dito at may ginagawa silang aksyon para labanan ito.
Tumangging idetalye ang PNP chief ang laman ng intelligence report subalit tiniyak ni Bato na handa ang PNP na harapin ang naturang banta sa seguridad ng bansa.
Matatandaang nagbabala ang US Embassy sa Maynila sa kanilang mga mamamayan sa Central Visayas na mag-ingat.
Nakatanggap daw kasi sila ng “unsubstantiated yet credible†information na posibleng tangkain ng mga terrorist groups ang pagdukot sa naturang lugar.
Samantala, nagpaalala naman si Dela Rosa sa mga turista sa bansa na iwasan ang pagtungo sa mga lugar na may “history” na ng pagdukot at pinagkukutaan ng Abu Sayyaf Group.
Pinayapa naman ni PNP chief ang publiko lalo na ang mga nasa Central Visayas na huwag matakot dahil ginagawa nila ang lahat para maiwasan ang anumang planong terroristic activities.
“Huwag silang pumunta doon sa ruta na palaging kinikidnapan ng Abu Sayyaf, doon sa boundary ng Philippines, Malaysia, Indonesia, may ruta dyan na suki ng Abu Sayyaf na kidnapan,” wika ni PNP chief.