LAOAG CITY – Kinumpirma ni Major Erikson Bolusan, tagapagsalita ng Northern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na may natanggap silang impormasyon na may mga terorista na umano sa Region 1 at nagpaplanong maghasik ng karahasan lalo na sa mga pampublikong lugar.
Subalit sinabi niya na sa kasalukuyan ay bina-validate pa nila ang nasabing impormasyon kaya walang dapat ipangamba ang publiko.
Paliwanag ng AFP official, ang nasabing alert memo ay itinuturing pa nilang raw information o hindi pa kumpirmado pero kailangan pa rin na maging alerto ang mga mamamayan.
Dagdag niya na hindi pa nila alam kung paano naipasakamay sa mga hindi otorisadong indibidwal ang alert memo at ikinalat nila sa social media.
Iginiit ni Bolusan na mahigpit ang kanilang imbestigasyon para malaman kung sino ang mga nagpakalat sa impormasyon at mapatawan nila ng sanction.