-- Advertisements --
Gatchalian
Sen. Sherwin Gatchalian (PRIB Photo by Albert Calvelo)

Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magkaroon ng programa para sa professionalization ng mga barangay worker, kabilang na ang day care workers at teachers.

Sa nakaraang pagdinig ng Senado sa panukalang pondo ng TESDA para sa 2024, ibinahagi ni Gatchalian ang mga halimbawa ng ipinatutupad nang mga programa tulad ng Barangay Health Services at Community Nutrition Services, parehong mga National Certificate (NC) II courses.

Isinusulong ng Senador ang professionalization ng mga child development workers (CDWs) at teachers (CDTS).

Sa ilalim ng Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act (Senate Bill No. 2029), iminumungkahi ni Gatchalian na bigyan ng mandato ang mga lungsod at munisipalidad na lumikha ng plantilla position o permanenting posisyon para sa mga CDTs at CDWs.

Sa ilalim ng panukala, imamandato rin ang mga government units (LGUs) na isulong ang kanilang professional development.

Kailangan ring tiyakin ng Early Childhood Care and Development (ECCD) Council ang ugnayan sa pagitan ng ECCD curriculum at basic education curriculum, ayon sa panukalang batas at bibigyan ng mas malawak na responsibilidad ang mga LGU pagdating sa pagpapatupad ng mga ECCD programs.

Samanatala, mayroong 78,693 CDWs sa bansa batay sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).