-- Advertisements --

Iniimbestigahan na ng mga otoridad sa Estados Unidos ang dahilan sa likod ng malagim na aksidenteng kinasangkutan ng isang kotse na mula sa electric car company na Tesla.

Nasawi ang dalawang katao na sakay ng Honda Civic matapos nitong bumangga sa isang Tesla Model S sa Los Angeles.

Ayon sa US National Highway Traffic Safety Administration, ang dalawang sakay ng Tesla car ay ginagamot na sa ospital dahil sa mga natamong sugat sa katawan.

Hindi naman kinumpirma ng mga otoridad kung naka set ang autopilot ng nasabing sasakyan nang mangyari ang insidente.

Ang autopilot ay ang semi-autonomous driver-assistance na nakakabit sa mga sasakyang gawa ng Tesla. Sa pamamagitan nito, kayang mag self-park ng sasakyan at gawin pa ang ibang bagay na tanging tao lamang ang kayang kumontrol sa isang normal na kotse.

Ilang ulit na ring nagpaalala ang kumpanya na manatiling alerto ang bawat driver at huwag tanggalin ang kanilang mga kamay mula sa steering wheel kahit naka-set sa autopilot ang sasakyan.

Base rin sa imbestigasyon, na una nang nasangkot sa 13 insidente ang mga sasakyan mula sa Tesla at hinihinala na malaki ang papel dito ng autopilot system ng sasakyan.