Maaaring isama sa Witness Protection Program (WPP) ng gobyerno ang lumutang na testigo na nag-uugnay kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa “boss of bosses” ng illegal POGOs ayon kay DOJ Undersecretary Nicholas Felix Ty.
Aniya, nakadepende ang pagsasama sa testigo sa witness protection sa pagtatasa ng mga awtoridad ng gobyerno at piskal na nagsasagawa ng mga panayam.
Sinabi din ng opisyal na dagdag ebidensiya ito kung sakali bagamat may malakas ng ebidensiya laban kay Guo sa koneksiyon niya sa illegal POGO.
Sinegundahan din ito ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Gilber Cruz at sinabing malakas ang mga isiniwalat ng dating kasamahan ng naarestong “Godfather” o Big boss ng mga POGO na si Lyu Dong kaugnay kay Guo.
Una na ngang nadakip si Lyu Dong o Lin Xuhan noong nakaraang linggo sa ikinasang raid ng mga awtoridad sa Biñan, Laguna. Itinanggi naman ni Lin ang lahat ng paratang laban sa kanya.
Nauna na ring ibinunyag ng lumutang na testigo na isa sa mga dating nagtrabaho kay Lin o tinatawag ding Boss Boga na nakita umano niya si Alice Guo na nakikipag-transaksyon kay Lin. Kilala din umano nila si Guo bilang “Madam Wah.”
Aniya, pinondohan ni Lin ang pagtatayo ng POGO na Hongsheng Gaming na naging Zun Yuan Technology kalaunan na nasa Baofu Land Compound sa Bamban, Tarlac.
Inirereport din umano ni Guo kay Boss Boga ang status ng pagtatayo ng Zun Yuan kayat magkapartner umano ang 2.
Samantala, ayon kay USec. Ty dati na ring lumabas sa kanilang imbestigasyon sa POGO sa Bamban ang pangalang Madam Hwa kayat kahit na hindi aniya lumabas sa ibang mga POGO, sapat na ang pagdawit kay Madam Wah at Alice Guo sa POGO sa Bamban para sa kaso laban sa kaniya.