-- Advertisements --

LA UNION – Nakahanda umanong tumayong testigo ang nakakita sa nangyaring pamamaril sa isang online courier sa Gov. Joaquin Ortega Ave., sa Barangay Madayegdeg sa lungsod ng San Fernando, La Union kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay alyas Norman sinabi nito na bago pa maganap ang pamamaril ay sa kanya muna unang nagtanong ang biktima na si Benn McClaude Madayag, 35, residente sa bayan ng Bauang, para sa idi-deliver nitong item kay Dianne Salanga na nag-order ng sapatos.

Matapos umano ang transaksyon ng dalawa ay lumabas na ang biktima at habang nakatayo ito sa tapat ng motorsiklo ay dito na hinintuan ng mga suspek na armado ng baril.

Nakipag-agawan pa umano ang biktima sa mga suspek ngunit pinagbabaril umano nila ang una ng dalawang beses kung saan dito na natumba ito.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Ariel Flora, isa sa mga tumulong upang maitakbo sa Ilocos Training Regional and Medical Center (ITRM), sinabi nito na mismong ang biktima ang nag-dial ng cellphone nito para matawagan ang kanyang pamilya.

Samantala, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa pagkakakilanlan ng mga suspek.