Inamin ni Immigration Officer Allison Chiong na may natatanggap siyang banta, mula nang maglabas ng impormasyon ukol sa bayaran sa Bureau of Immigration (BI) na nanggaling sa mga Chinese tourist.
Tinatawag umano itong pastillas operation, dahil nagbabayad ang mga Tsino ng P10,000 para makalusot sa pagsisiyasat, kung saan nakabalot ang pera na parang pastillas.
Nagbibigay aniya ang mga ito ng pera upang huwag nang kuwestyunin kahit tourist documents lamang ang hawak, pero kalaunan ay magtatrabaho talaga bilang online gaming operators.
Sa nasabing mga rebelasyon, sinabi ni Chiong na maraming nagalit sa kaniya.
Paniwala nito, wala na siyang babalikang trabaho dahil pag-iinitan na siya ng mga nakikinabang sa bayaran.
Nag-aalala rin daw siya para sa kaniyang pamilya na maaaring madamay dahil sa naturang pagbubunyag.
Samantala, inamin din ng testigo sa pastillas scandal na si Chiong na dati rin siyang nakatanggap ng pera mula sa ilang Chinese na pumapasok sa bansa.
Sa pagtatanong ni Sen. Imee Marcos, napaamin nito si Chiong na minsan din itong nakinabang sa iligal na aktibidad
Pero sinabi ng witness na hindi niya ito napagtiisan kaya minabuting ibunyag ang aktibidad na nadatnan na niya sa BI.
Nangako naman ang chairperson ng komite na si Sen. Risa Hontiveros na mabibigyan ng immunity si Chiong dahil lehitimong testigo ito para sa mahalagang kaso.
Ilan sa mga pinangalanan ng Senate witness sa hearing na umano’y may partisipasyon sa pastillas scheme ay ang mga sumusunod: Totoy Magbuhos, Deon Albao (alias Nancy), Paul Borja (alias Lisa), Anthony Lopez at Dennis Robles.
Maging ang mga dating Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) heads na sina Bien Guevarra, Glenn Comia at Den Binsol ay kaniya ring nabanggit.