Sa pagsisimula ng ikalawang serye ng Quad Committee Hearing ngayong araw, unang isinalang ang panibagong testigo na pawang mga Person Deprived of Liberty na kasalukuyang nakapiit sa service support company ng Philippine Military Academy sa Baguio City.
Ang mga ito ay sina Fernando Andy Magdadaro, 56 anyos at Leopoldo Untalan Tan Jr. 54 anyos.
Unang ikinuwento ni Magdadaro kung paano nila pinag planuhan ang pagpatay sa tatlong Chinese national noong taong 2016 na pawang nakapiit sa Davao Prison and Penal Farm.
Ayon kay Magdadaro , pinakiusapan siya ni Leopoldo Tan Jr. na tulungan itong isaplano ang pagpatay sa tatlong chinese national kapalit ng maliit na halaga at kalayaan.
Tinukoy nito ang kanilang pinatay na sina Chu Kin Tung alias Tony Lim, Li Lan Yan alias Jackson Li, at Wong Men Pin, alias Wang Ming Ping na nakulong rin dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Isinagawa aniya nila ang pagpaslang sa loob ng Disciplinary Dormitory o mas kilala sa tawag na Bartolina.
Samantala, sumunod na nagbigay ng salaysay sa harap ng mga mambabatas si Leopoldo Untalan Tan Jr. na kung saan idinawit nito ang pangalan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Aniya, matapos nilang isagawa ang pag pagpatay sa tatlong Chinese national kaagad silang pinosasan ni Superintendent Gerardo Padilla.
Habang naglalakad sila papuntang investigation section, tumunog si ang cellphone ni Padilla ay narinig nila na binati umano ni EX-PRRD si Padilla at sinabing Job well done.
Paglilinaw pa ni Leopoldo na alam niyang si Duterte ang kausap ni Padilla dahil pamilyar siya sa boses nito.
Buong tapang na pinandigan ng dalawang testigo ang kanilang mga naging salaysay sa nagpapatuloy na pagdinig.