Kinumpirma ng kampo ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na nakumpleto na ang mga testimoniya sa Pasig Regional Trial Court ng isa sa mga testigo ng prosecution sa qualified human trafficking case laban sa sinibak na alkalde.
Ayon sa isa sa abogado ni Guo na si Atty. Lorelie Santos, bagamat isa lamang ito sa maraming mga testigo na nasa mahigit 10 pa, ang pagpresenta aniya ng mga testigo ng prosekusyon ay nagmarka ng makabuluhang pag-usad sa kaso.
May isa pa aniyang nakatakdang iharap ngayong araw.
Aniya, ang nangyari kahapon ay trial ng pangunahing kaso, na mahalagang parte dahil ipipresenta na ang mga ebidensiya.
Sinabi din ni Santos na dumalo si Guo sa pagdinig sa pamamagitan ng video conference.
Matatandaan na nag-ugat ang kaso laban kay Guo sa reklamong inihain ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Inakusahan siya ng pagkakasangkot sa isang nagpapaupang kompaniya sa Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) hub na Zun Yuan Technology Inc. sa Bamban, Tarlac na ni-raid noong Marso 2024.