Hinimok ni Sen. Christopher “Bong” Go ang iba pang may nalalaman sa mga kontrobersyal na iniimbestigahan ng Senado na lumutang at makipagtulungan para sa ikalilinis ng bansa.
Pahayag ito ni Go sa harap na rin ng humahabang Senate hearings sa isyu ng droga at katiwalian.
Ayon sa senador, mahalaga ang papel ng mga resource person para malinawan ang mga isyu at mapanagot ang mga may kasalanan.
“Alam niyo, ’pag nagsasalita diyan sa Senado, you are under oath, so most likely walang nagsisinungaling diyan. Kita niyo ang mga medyo nagsisinungaling pina-contempt at pinakulong. Once you speak in front of the Blue Ribbon Committee, inaasahan namin na totoo lahat ng sinasabi mo,” wika ni Go.
Nagpasalamat naman ang mambabatas sa mga nakikipagtulungan sa kaniyang mga adbokasiya, ngayong 100 araw na siya bilang senador ng ating bansa.
Samantala, inamin naman Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Dir. Gen. Aaron Aquino na labis nang apektado ang kaniyang pamilya dahil sa natatanggap na death threats.
Nagsimula umano ang mga banta nang magsalita siya hinggil sa drug recycling na kinasasangkutan ng ilang pulis.
Ayon kay Aquino, hindi na normal ang takbo ng buhay ng kaniyang mga anak dahil sa nalikhang takot ng mga banta.
Tumanggi namang sabihin ng PDEA chief kung sino ang kaniyang pinaghihinalaan sa isyung ito.
Maliban sa ninja cops, naging laman din ng mga pagbubunyag ni Aquino ang tungkol sa drug queen na namimili umano ng mga niri-recycle na droga ng mga tiwaling pulis.