-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Atty. Ferdinand Topacio na hindi babalik si dating Representative Arnulfo Teves Jr. dito sa Pilipinas hangga’t nananatili ang umano’y ‘corruption’ sa executive branch.

Reaction ito ni Topacio matapos siyang matanong kung ano ang binabalak ngayon ng tinanggal na kongresista matapos tanggihan ng appellate court ng Timor Leste ang extradition request ng Pilipinas.

Giit ni Topacio, mananatili pa rin doon si Teves at wala sa kaniyang interest na umuwi sa bansa, lalo na kung ikukunsidera aniya kung paano ginagamit ng kasalukuyang administrasyon ang lahat ng resources nito para tuldukan ang mga political dissent.

Maliban dito, ginagawa umano ng kasalukuyang administrasyon ang lahat ng makakaya upang pigilin ang mga legitimate opposition.

Aniya, mananatili sa labas ng bansa ang dating mambabatas hangga’t hindi niya matitiyak na makakakuha ng patas na pagtrato; bagay na hindi aniya makukuha sa kasalukuyang administrasyon kung saan ang executive branch ay nananatiling ‘heavily corrupted’.

Si Topacio ang nagsisilbing legal counsel ng dating mambabatas.

Samantala, hanggang sa ngayon, Marsor 21 ay hindi pa nakakatanggap ang Department of Justice (DOJ) ng kopya ng ruling ng korte kaugnay sa extradition.

Gayonpaman, una nang naglabas ang ahensiya ng statement na ito ay nabigla at labis na nadismaya sa naging ruling ng local court sa naturang bansa.