Kinasuhan ng Attorney General ng Texas ang mga opisyal ng Austin dahil sa hindi pagsunod sa pagtanggal na ng pagsusuot ng facemask.
Nitong nakaraang araw kasi ay inanunsiyo ng Texas ang pagtanggal na ng restriction kung saan maaari ng hindi magsuot ng facemask sa loob o labas ng lugar.
Subalit hindi sumunod ang city council ng Austin kung saan mahigpit pa rin na pinagbibilinan ang mga mamamayan sa pagsusuot ng mga facemask para tuluyang mabawasan ang hawaan ng COVID-19.
Sinabi ni Attorney General Ken Paxton na kaniya ng pinagsabihan ang mga opisyal ng Austin City at Travis County na sumunod sa batas at kung magmatigas ang mga ito ay mahaharap sila sa kaso.
Kahit na tinanggal na ang paggamit ng mga facemask ay marami pa ring mga grocery at establishimento ang nag-aatas sa mga customer nila na magsuot ng face mask.
Iginiit naman ni Austin Mayor Steve Adler na mahalaga pa rin ang pagsusuot ng face mask dahil hindi pa tuluyang nawawala ang COVID-19.
Ang Texas ay unang estado sa US na nagbukas ng ekonomiya matapos ang unang wave ng pandemic noong Mayo.