Ipinahayag ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na isa sa mga ikinababahala nila ngayong darating na halalan ay ang paglaganap ng text spoofing, text blasting o iba pang may kinalaman pagdating sa Information Technology.
Ang ‘text spoofing’ ay panggagaya ng pangalan ng kompanya o ahensya para makapasok mismo sa lehitimong text thread habang ang “text blasting” naman ay yung isahang pagpapadala ng text message sa mga maramihang receiver.
Ito ang mga ikinababahala ng komisyon sa darating na halalan dahil maaari itong hindi ma-kontrol. Ayon sa poll body, mahirap ma-monitor ang mga may kinalaman sa information technology kaya naman patuloy pa rin ang puspusang pakikipag-ugnayan ng poll body sa National Telecommunications Commission (NTC) at Department of Information and Communications Technology (DICT) para i-monitor at pigilan ang mga ganitong gawain lalo na’t pumasok na ang election period.
Kaya naman, pinaalalahanan din ni Garcia ang publiko na maging maingat sa mga misinformation at disinformation na kumakalat ngayong papalapit na ang halalan. At palaging magfact-check sa mga impormasyon na makukuha.