-- Advertisements --

Nilinaw ngayon ni Talino at Galing ng Pinoy o TGP PL Rep. Jose “Bong” Teves Jr. na siya at ang kanyang pamilya ay walang koneksyon sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Umapela sa media na maging maingat sa pagbabalita lalo na sa mga sensitibong isyu o impormasyon.

Sa kanyang privilege speech sa sesyon kaninang hapon, sinabi ni Cong. Bong Teves na nakikiramay siya sa pamilya ng pinaslang na gobernador at mariing kinokondena ang pagpaslang kay Gov. Degamo.

Binanggit din ni Cong. Bong Teves ang pagkakadawit ni Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo Teves Jr. sa kaso.

Ayon kay Cong. Bong Teves, kahit magka-apelyido sila ni Cong. Arnie Teves, sila ay nagmula sa magkaibang probinsya at hindi magkamag-anak.

Paliwanag ni Cong. Bong Teves, nais lamang niya maayos ang aniya’y kalituhan, lalo’t ang kanyang pamilya partikular ang kanyang mga anak ay labis nang apektado ng mga lumulutang na balita.

Umapela din si Cong. Bong Teves sa mga mamamahayag sa bansa na maging responsable at kapag gumagawa ng balita ay linawin ang buong pangalan ng nasasangkot sa kaso dahil mayroong ibang “pamilyang Teves” at galing sa ibang lugar na wala namang alam o kinalaman sa Degamo case.