Panibagong patutsada ang binitawan ng aspiring beauty queen sa Thailand laban kay 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray.
Ito’y isang linggo matapos ang kontrobersyal na panlalait ni Miss Grand Thailand 2019 Coco Arayha Suparurk kay Gray, pero hindi naman ito direktang pinapatulan ng Pinay Miss Universe.
Ngayong araw ay maingay sa internet ang isang report ng Facebook page na PowerhousePH, kung saan sinabi raw ng Thai beauty sa isang live TV interview na hihingi lamang siya ng paumanhin kay Catriona kapag kinompronta na siya nito.
“If Cat will message me directly, I would apologize,” ang kondisyon umano ni Coco.
Una rito, tila nagpasaring ang 25-year-old Fil-Australian beauty mula Bicol kung saan iginiit na hindi dapat kunsintihin ang body-shaming o panlalait sa istura ng isang tao.
Ito’y sa pamamagitan ng game na QnA (question and answer) online activity ni Gray sa kanyang mga followers nitong weekend.
“Body-shaming is hurtful and should never be tolerated,” ani Gray.
Samantala, isa sa makakalaban ni Suparuk sa October 25 coronation sa Venezuela ay ang Cebuana beauty na si Samantha Ashley Lo.
Noong nakaraang taon ay bigo ang pambato ng Pilipinas na si Eva Psychee Patalinjug na makapasok sa Top 20 ng Miss Grand International.