BANGKOK – Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga business leaders sa Thailand na makibahagi sa kwento ng paglago ng ekonomiya ng Pilipinas partikular sa “Build, Build, Build” program ng kanyang administrasyon.
Kanina ay hinarap ni Pangulong Duterte ang nasa 20 chief executive officers (CEOs) ng Thailand sa sidelines ng pagdalo nito sa 34th ASEAN Leaders’ Summit.
Sinabi ni Pangulong Duterte, sa ngayon ay patungo ang Pilipinas sa mas matatag at mas kaaya-ayang bansa para magnegosyo.
Ayon kay Pangulong Duterte, dahil sa malakas na macroeconomic policies at nagpapatuloy na reporma, tiyak na magiging competitive ang Pilipinas sa ibang bansa sa larangan ng ekonomiya at pagnenegosyo.
Tiniyak din ni Pangulong Duterte ang pagkakaroon ng corruption-free business climate at maraming skilled at fast-learning na workforce.
Inihayag din ni Pangulong Duterte na pinahahalagahan niya ang mga kasalukuyang Thai business sa Pilipinas at umaasang dadami pa ang mga ito sa mga susunod pang taon.
Partikular na inimbitahan ni Pangulong Duterte ang mga Thai businessmen na maglagak ng negosyo sa mga bagong industrial destinations gaya ng Metro Manila, Pampanga, Clark, Cebu, Bohol and Davao.