BANGKOK – Tiniyak ng Thai government na gumagawa ito ng mga paraan para mas tumibay pa ang pagtitiwala ng bawat kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at mas makalikha ng isang magandang kondisyon para maipatupad ang mga napag-usapan sa 17th Senior Officials Meeting on the Implementation of the Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea at ang konsultasyon ng Code of Conduct in the South China Sea (COC) na ginawa sa China noong nakaraang buwan.
Sinabi ni Thailand Foreign Minister Don Pramudwinai, gagawin ang First Reading ng COC ngayong taon at layuning matapos ito sa loob ng tatlong taon.
Maliban sa usapin ng South China Sea ay isusulong din ng Thailand ang mahahalagang isyu sa rehiyon gaya ng Marine Debris, Illegal Wildlife Trade at pagkakaroon ng Regional Comprehensive Economic Partnership na target na matapos ngayong taon.
Kasama din umano sa mga mapag-uusapan ang mga priority measures na isinulong ng mga nagdaang ASEAN Chairmen.
Magugunitang ilan sa mga isinulong ng Pilipinas noong 2017 ASEAN Chairmanship ay ang People-Oriented and People-Centered ASEAN, Peace and Stability sa rehiyon, Maritime Security and Cooperation, Inclusive, Innovation-led Growth, ASEAN Resiliency at ASEAN as a Global Player.