Inamin ni Sen. Francis Tolentino, presidente ng Samahang Kickboxing ng Pilipinas, na ang bansang Thailand at Cambodia ang magiging mabigat na kalaban ng Philippine Team sa kickboxing sa 30th Southeast Asian Games (SEA Games).
Magsisimula ang mga laban sa Disyembre 7, 2019 sa Cuneta Astrodome, Pasay City.
Sinabi ni Tolentino na pitong bansa ang kasali sa kauna-unahang kickboxing sa SEA Games, maliban sa bansang Singapore na walang koponan sa naturang laban.
Inamin ng opisyal na sa pitong bansa sa Southeast Asia na kalaban nila sa kickboxing, ang bansang Thailand at Cambodia ang may matitinding atleta, lalo’t sa dalawang bansang iyon nagmula ang kickboxing
Pero ayon sa coach ng Philippine team nasi Marquez Sangioa, ang koponan ng bansang Vietnam ang kanilang babantayan dahil madalas na magwagi ang mga ito sa international competition.
Kagabi ay nagkaroon ng welcome host dinner para sa mga bansang kalahok sa kickboxing upang maipakita ang hospitality ng mga Filipino.
Nauna na ring nagpahayag si Tolentino na dapat na magkusang gumalaw at tumulong ang lahat ng National Sports Association (NSA) sa halip na magreklamo at umasa sa organizers ng SEA Games.