LA UNION – Pinangangambahan na rin ng ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) ang pag-lockdown ng pamahalaan ng Thailand sa kanilang bansa dahil sa patuloy na pagdami ng bilang ng mga tinamaan ng coronavirus disease (COVID-19).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Teacher Edward Manangan na ngayon ay nasa Bangkok, Thailand, sinabi nito na sarado na ang halos lahat ng negosyo at tigil na rin ang mga naglalakihang aktibidad bilang paraan sa pagpigil sa pagkalat ng naturang salot.
Ayon kay Manangan, pinagplaplanuhan na rin ng Thai government ang pagpapatupad ng lockdown sa bansa dahil sa pangamba na maaaring marami ang tamaan ng sakit.
Dahil dito, nagbabalak na rin siya na lisanin ang bansa bago ipatupad ang lockdown doon.
Samantala, base sa ulat ay umaabot na ngayon sa mahigit 400 katao na ang tinamaan ng COVID-19 sa Thailand.