Itinuturing ng Philippine Taekwondo Association (PTA) ang Thailand at Vietnam na malaking tinik sa kanilang pangarap na overall championship sa taekwondo sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay PTA secretary-general Monsour del Rosario, kapwa malakas ang naturang mga bansa sa taekwondo na palaging nasa Top 3 ng kompetisyon.
Gayunman, buo ang loob ni del Rosario na magagawa ng kanyang tropa na higitan pa ang nakalap na dalawang gintong medalya noong 2017 SEA Games sa Malaysia.
“Itong SEA Games na ‘to, hindi ko naman ipinapangako na [magiging] number one tayo, pero pipilitin ko na ang Philippine taekwondo team ay kung puwede mag-overall champion,” wika ni del Rosario.
“Pero medyo mahirap dahil alam ko malakas ang Thailand at malakas ang Vietnam, at malupit ang sports program nila and malupit ang suporta ng private sector at ng government sa kanila.”
Malaking tulong din aniya na kanilang isinalang ang taekwondo squad sa iba’t ibang mga international competitions, maging ang training nila sa South Korea, para sa kanilang paghahanda sa biennial meet.
Katunayan ayon sa taekwondo icon, kumuha pa raw sila ng dalawang Korean coaches na tututok sa mga kalahok ng bansa sa poomsae o forms at kyorugi o sparring.
Kaya naman, ipinagmalaki ni del Rosario na handang-handa na ang taekwondo team ng bansa para sa SEA Games.
Una rito, sinabi ni Sung-Chon Hong, executive officer ng PTA, kabilang sa mga inaasahang magbubulsa ng gintong medalya ang mga beteranong sina Pauline Lopez, Butch Morrison, at Kirstie Elaine Alora, na siyang flag bearer ng Team Philippines noong 2017.