KORONADAL CITY – Pasasalamat kay Allah at congregational prayer ang isasagawa ng Muslim Community sa South Cotabato kasabay ng pinakamasayang selebrasyon ng pormal na pagtatapos ng Ramadan o Eid’l Fitr ngayong araw.
Ito ang inihayag ni Datu Rauf Decampong, elder at spokesperson ng Grand Mosque sa lungsod ng Koronadal sa panayam ng Bombo Radyo.
Ayon kay Datu Decampong, isang malaking selebrasyon at pagtitipon ang isasagawa matapos na inalis na rin ang napakaraming restrictions dulot ng Covid-19 pandemic.
Magkakasama sila ngayong araw para sa “congregational prayer” o ang pagtitipon ng lahat ng mga Muslim sa mga mosque upang sabay-sabay na manalangin, magpasalamat at magsalo-salo upang ipagdiwang ang pagtatapos ng 30 araw na pag-aayuno at sakripisyo ng lahat.
Inaasahan na rin sa ngayon ang pagtipon-tipon ng mga magkamag-anak at kaibigan upang magsalo sa inihandang pagkain, magbigay ng mga regalo at magkapatawaran.
Nilinaw din ni Decampong na kung sino mang Muslim ang hindi sumusunod sa kautusan ni Allah gaya ng pagpatay at paggawa ng masama ay mananagot sa panginoon.
Kasabay nito, hihilingin umano nila kay Allah ang pagtatapos na ng pandemic at kapayapaan sa Mindanao dahil sa panibagong tensiyon at bakbakan na nangyari sa Datu Paglas, Maguindanao.
Samantala, nagpapasalamat naman sila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na binibigyang halaga ang selebrasyon ng Eid’l Fitr matapos na idineklarang holiday ang Abril 21,2023 ngunit dahil hind inga nakita noong nakaraang gabi ang buwan ay ngayong araw ng Sabado, Abril 22, 2023 ang kanilang selebrasyon.