-- Advertisements --

Dinumog ng mga taong nakiisa at dumalo sa thanksgiving parade dito sa Binondo, Maynila sa selebrasyon ngayon ng Chinese New Year. 

Kung saan ay nagkaroon naman ng girian at kaunting komosyon dahil sa pagpupumilit ng ilan na makakuha ng mga paagaw sa kada sasakyan na kasama sa parada. 

Bagama’t hindi naiwasan ang siksikan sa dinaraanang ruta, dama naman ang saya sa bawat-isang nakihalok sa naturang pagdiriwang. 

Isa na rito ay si Marian Almonguera na ibinahaging naging masaya ang unang beses niyang pagpunta dito sa parada. 

Ang magkasama namang sina Chenna Myne at Strawberry May ay ikinuwento na sila’y hustong natuwa sa panonood nila ng parada. 

Sa aming paglilibot, kapansin-pansin na hindi lamang mga Pilipino ang nakiisa ngunit may mga turista ding nakilahok pati sa mga paagaw na inihahagis mula sa parada. 

Kasama sa mga nakiagaw ay ang turistang si Marie Sielliebert na masayang ipinakita ang kanyang nakuhang t-shirt.

Samantala, halos walang galawan naman ang daloy ng trapiko sa bahagi ng Lawton kung saan isinara ang isang kalsada paakyat ng Jones Bridge. 

Kaya naman nagbigay ng paalala ang Patrolman na si Cris Lorenz Miranda ng Manila District Traffic Enforcement Unit sa mga papunta pa lamang sa mararanasang trapik.