-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Kung si “Dodong” Donaire Sr. ang tatanungin, gusto na nitong magretiro ang kanyang anak na si Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr. matapos na hindi nakaporma kagabi laban kay Naoya Inoue.

Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan sa nakakatandang Donaire, sapat na aniya ang mahigit 20 taon ng anak sa karera ng boksing kung saan “stable” na rin ito.

Idinagdag pa ni Donaire Sr., na OK pa naman ang edad ng anak sa boksing subalit kung ikokompara sa sasakyan ay mataas na ang “mileage” nito. Iginiit pa nito na malakas pa ang kanyang anak subalit depende pa rin sa kanya ang magiging desisyon.

Ayon pa kay Ginoong Donaire, iba na ang laro ni Junjun laban kay Vic Darchinyan kaysa sa laban kagabi kaya kung babalik pa man sa ring ay kailangan na ng anak ang 110% na dedikasyon.

Sinabi rin nito na isa sa mga mali ng anak sa laban sa Japanese boxer kagabi ay ang pag-iisip na mana-knockout si Inoue kaya naman parating nag-o-overshoot ang kanyang mga suntok, imbes na magpakawala lang ng mga light combinations para maapektuhan ang kalaban.

Napag-alaman na nakuha ng Japanese boxer ang unanimous decision na panalo para masungkit ang bantamweight championship sa World Boxing Super Series.

May record na si Inoue na 19 na panalo at walang talo na mayroong 16 knockouts, habang mayroong 40 wins at anim na talo ang “The Filipino Flaash.”