ILOILO CITY – Dapat umano na may isa o dalawang ospital sa Pilipinas na nakatalaga lang para sa mga pasyenteng infected ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang apela ng ilang ospital sa Maynila sa Department of Health.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Eugenio Ramos, chief executive officer at presidente ng The Medical City sa Pasig, sinabi nito na ang “dedicated hospital” ay makakatulong upang maiwasan ang mabilis na pagkalat ng sakit lalo na sa mga doktor, nurse, at iba pang personnel sa ospital.
Ayon kay Ramos, sa ngayon, tatlo hanggang lima na sa kanilang staff sa The Medical City ang kabilang sa nagpositibo sa COVID-19 sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Ramos, isinailalim na rin sa 14-day quarantine ang marami sa kanilang mga resident doctors at nurses dahil sa exposure ng mga ito sa mga Persons Under Investigation (PUI) sa ospital.
Ang malala pa ayon sa opisyal ay dahil nang lumabas na ang diagnosis, napag-alamang nagpositibo sa COVID-19 ang nasabing mga Persons Under Investigation.
Kulang na rin ang personal protective equipment ng ospital na maaaring gamitin ng staff upang maprotektahan ang kanilang sarili.
Aminado rin si Ramos na nakakaalarma na ang numero ng PUI at Persons Under Monitoring sa kanilang emergency room.