-- Advertisements --

Nanaig umano ang saloobin ng mamamayan ng Amerika at nangingibaw ang demokrasya ng kanilang bansa.

Ito ang sentro sa naging mensahe ni President-elect Joe Biden, ilang oras matapos inanunsiyo ng Electoral College ang kaniyang tagumpay sa halalan laban kay US President Donald Trump.

Sinabi ni Biden, ang panuntunan ng kanilang saligang batas at ang kagustuhan ng mga tao ay nanaig sa kabila ng mga pagsisikap ni Trump na baguhin ang resulta ng halalan.

pres elect joe biden

Sa kaniyang mensahe, ginawa ni Biden ang pinakadirekta at detalyadong pagdepensa ng kanyang tagumpay at ang pagkondena nito sa Trump administration.

Aniya, sinubukan at binantaan man ang demokraya ng kanilang bansa sa administrasyon ni Trump ngunit nananatili itong matatag.

Dahil dito, oras na umano upang buksan ang iba pang pahina.

Sa huli, pinasalamatan ni Biden ang Korte Suprema na gumawa kaagad ng desisyon upang tanggihan ang mga pagsisikap ni Trump na baligtarin ang resulta ng eleksyon.

Napag-alaman na ang confirmation ni Biden mula sa Electoral College ay siyang final step na kinakailangan upang manungkulan na ito sa Enero 20.

Hindi na rin daw inaasahang tatanggapin pa ni US President Donald Trump ang resulta.

“Today, the members of the Electoral College cast their votes for president and vice president. And once again, the rule of law, our Constitution, and the will of the people have prevailed,” ani Biden. “Our democracy—pushed, tested, and threatened—proved to be resilient, true, and strong.” (with report from Bombo Jane Buna)