Limang kaso ang tinukoy ng Philippine National Police (PNP) na kinasasangkutan ng mga menor de edad na naitala simula pa noong taong 2014 hanggang 2017.
Ayon kay dating PNP spokesperson at ngayo’y acting director ng Directorate for Police Community Relations (DPCR) C/Supt. Benigno Durana, sangkot umano ang mga kabataang may edad 18-anyos pababa sa mga kasong gaya ng theft, physical injuries, robbery, rape at illegal drugs.
Pero sa unang walong buwan ng taong 2018, nangunguna raw ang mga kasong reckless imprudence resulting to damage of properties, theft, physical injury at illegal drugs.
Patunay aniya ito na sa murang edad ay maagang namulat at nakagagawa ng krimen ang mga kabataan.
Dahil dito, suportado ng PNP ang pag-amyenda ng Kongreso sa umiiral na Juvenile Justice and Welfare Act.
Layon ng panukalang batas na ibaba sa siyam na taong gulang ang maaaring panagutin sa batas sakaling makagawa ang mga ito ng krimen.
Pabor din si PNP chief Oscar Albayalde na dapat ay mas mabigat na parusa ang dapat na kaharapin ng mga magulang ng mga menor de edad na nasasangkot sa iba’t ibang criminal activities.