-- Advertisements --
theresa may 2
British Prime Minister Theresa May

Maluha-luhang inanunsyo ni British Prime Minister Theresa May ang kanyang planong pagbibitiw sa puwesto sa darating na Hunyo 7.

Ito’y kasunod ng pagkabigo ng kanyang liderato tungkol sa isyu ng tuluyan nilang pagkalas sa European Union, o ang tinaguriang Brexit.

Sa kanyang emosyonal na pahayag sa Downing Street, nanindigan itong ginawa niya ang alam niyang tama ngunit labis daw ang kanyang pagkalungkot sa hindi nito pagkakatupad sa Brexit na kanyang ipinangako.

“I have done everything I can to convince MPs to back this deal,” wika ni May. “Sadly, I have not been able to do so — I tried three times. I believe it was right to persevere….it is now clear to me that it is in the best interest of the country for a new PM to lead that effort.”

Napilitan din umano siyang magbitiw sa kanyang puwesto dahil na rin sa pressure mula sa kanyang mga kapartido sa Conservative Party, kung saan ang ilan ay atat na raw na umalis ito sa puwesto.

Mananatili naman daw itong caretaker prime minister hanggang mayroon nang mapiling papalit sa kanyang tungkulin.

Nagsilbing prime minister si May sa loob ng halos tatlong taon at umupo sa puwesto matapos ang 2016 Brexit referendum at ang pagbaba sa puwesto ng noo’y Prime Minister David Cameron. (CNN)