MANILA – Patuloy na binabantayan ng mga eksperto at World Health Organization (WHO) ang variant ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) virus na nadiskubre sa Pilipinas.
Tinawag na “Theta” variant ang P.3, na unang natuklasan sa bansa noong Pebrero.
Ayon kay Dr. Cynthia Saloma, ang executive director ng University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC), natukoy nila ang presensya ng Theta variant matapos umapela ng tulong ang Central Visayas.
“Noong end of January nitong taon, ni-request kami ng mga kasamahan sa Cebu na mayroon silang rise in cases. So nagpadala sila ng samples at nai-sequence natin,” ani Saloma sa panayam ng Bombo Radyo.
Aabot aniya sa 16 “mutation” o pagbabago sa anyo ang nakitang Theta variant kabilang na ang N501Y at E484K.
Una nang nakita ng international scientists ang dalawang mutation sa Alpha (B.1.1.7) at Beta (B.1.351) variants.
Taglay daw nito ang mga katangian na mabilis makapanghawa at kayang labanan ang bisa ng mga bakuna.
“Ini-report namin ito agad sa DOH at tinawag ang pansin ng ating mga kasamahan sa Region 7 na kailangan pag-igihin mabuti kasi mukhang may nakikita tayong isa pang variant doon and associated sa rise in cases.”
Sa kabila nito, nananatiling “variant of interest” ang klasipikasyon ng Theta variant. Hindi tulad ng Alpha at Beta variant na tinatawag ng “variant of concern.”
Ayon kay Saloma, itinuturing na variant of concern ang isang variant kung napatunayang mas nakakapanghawa na ito, nakapagdudulot ng malalang sintomas, at nalalabanan ang mga bakuna.
“Tinawag nating variant of interest (ang Theta variant) sa dahilan na sa kanyang sequence pa lang mayroon na siyang mutations of concern (E484K at N501Y).”
“So far hindi pa natin nakikita na tumaas ang mga kaso o dumami at naging mas laganap, so binabantayan pa natin ‘yan.”
Mayroon ng 163 na kaso ng Theta variant sa Pilipinas. May 12 bansa na rin daw na nakapagtala ng mga kaso nito.
Binigyang-diin ni Saloma ang kahalagahan ng iba’t ibang stratehiya para hindi umusbong bilang variant of concern ang Theta variant.
Ayon kasi sa mga eksperto hangga’t patuloy na nagmu-mutate ang virus, may tiyansa pa rin itong lumala at maging mas mabagsik.
“Its very very important na mag-maintain tayo ng minimum public health standards at huwag magpunta sa mga matataong lugar.”
“We have to be very concern na kapag nag-quarantine tayo, we should adhere to keep ourselves and family safe.”