Malaking dagok umano sa kampanya ng Golden State Warriors kung tuluyang hindi makakalaro sa Huwebes ang isa sa mga tinaguriang “Splash Brothers” na si Klay Thompson.
Ito ay makaraang isapubliko ngayon ang resulta ng MRI kay Thompson na nagpapakita na dumaranas ito ng mild left hamstring strain.
Kung maaalala sa panalo kahapon ng Warriors sa Toronto ay inilabas sa 4th quarter si Thompson na umiika-ika na.
Masyadong kritikal at mahalaga ang naging papel ni Thompson sa naturang panalo nang magtala siya ng 25 points.
Kung makumpirma na hindi ito makakalaro, mapapasama siya kay Kevin Durant na kuwestyunable pa rin ang kalusugan bunsod sa nagpapagaling pa sa calf injury habang si Kevon Looney ay itsapuwera na rin sa buong serye ng NBA finals.
Ito ay dahil naman sa fractures collarbone na natamo rin kahapon sa Game 2.
“The MRI indicated a mild strain of hamstring. At this point, Thompson is listed as questionable for Game 3 on Wednesday (Thurs PH time),” bahagi pa ng statement ng Warriors. “The MRI indicated that Looney has suffered a non-displaced first costal cartilage fracture (right side). He will be out indefinitely.”
Sakaling tuluyang mawala pa si Klay sa Game 3 mababawasan ang Warriors ng isa sa top shooters ng team at itinuturing na elite perimeter defender at epektibong nagbabantay din sa Raptors superstar na si Kawhi Leonard.