Hindi na nakipagsapalaran pa ang Golden State Warriors sa kalagayan ni Klay Thompson kaya hindi na ito ipinasok sa Game 3 kontra Toronto Raptors.
Ginawa ni coach Steve Kerr ang last minute decision bago magsimula ang tipoff ng laro sa kanilang homecourt sa Oracle Arena.
Bago ito, nakita pang sumali sa warm up ng mga teammates si Thompson.
Bago naman ang game time, sinabi na rin ni Kerr na medyo maaga pa raw sa serye kaya maaari pang isakripisyo si Thompson para hindi lumalala ang dinaranas na strained left hamstring.
Malaking dagok ang kawalan ni Thompson lalo na at itinuturing itong consistent shooter kung saan nagposte ito ng 19.5 points sa average sa playoffs.
Nagpadagdag pa sa problema ng Warriors ang hindi pa rin paglalaro ng 2017 at 2018 NBA Finals Most Valuable Player na si Kevin Durant.
Ang 29-anyos na si Thompson, ay five-time NBA All-Star, at kailanman ay hindi pa sumablay sa playoff game sa kanyang buong career.
Umabot na ito sa 120 games na kanyang nilaro sa playoffs pero ngayon lamang siya na-bench.
“It’s still early in the series, so if there’s risk, then we won’t play him,” paliwanag pa ni Kerr.