-- Advertisements --

Inanunsyo ni All-Star guard Klay Thompson na mananatili pa rin ito sa Golden State Warriors.

Sa kanyang Instagram account, ibinahagi ni Thompson ang kanyang pagkasabik sa pamamagitan ng paggamit ng clip ni Leonardo DiCaprio sa pelikulang “The Wolf of Wall Street.”

Batay kasi sa ulat, sinabi ng kanyang agent na si Greg Lawrence na pumayag na raw si Thompson sa limang taong maximum contract na nagkakahalagang $190-milyon upang manatili sa Warriors.

Ang nasabing deal ay may kalakip ding 15% trade kicker, na ibig sabihi’y bibigyan ng team ng bonus ang isang player sakaling ito’y mai-trade.

Si Thompson ang isa sa itinuturing na all-around players sa liga at isang talent para sa franchise na nagwagi sa tatlong championships at nakatuntong sa limang sunod-sunod na NBA Finals.

Nitong nakaraang taon nang igiit ni Thompson na mananatili daw itong nasa Golden State habambuhay.

Una nang lumabas ang ulat na pinag-iisipan umano ni Thompson na lumipat sa ibang teams sa kanyang hometown sa Los Angeles mula sa Golden State Warriors sakaling hindi ito alukin ng Warriors ng max deal.